Inirekomenda ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na ibalik ang ilang bilyong pisong alokasyon ng Department of Education (DepEd) na inalis at hindi isinama ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Sa pagdinig ng House committee on appropriations nitong umaga, sinabi ni DepEd Usec. Annalyn Sevilla na P1.1 trillion ang kanilang orihinal na request sa DBM pero ang pinagbigyan lamang mula rito ay P605 billion lamang.
Ayon kay Castro, bagama’t mas mataas ng 9.17 percent ang P605 billion proposed 2021 budget ng DepEd kung ikukumpara sa P512 billion allocation ngayong taon, kulang aniya ito para sa blended learning operation ng kagawaran sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga apektado rito ang pondo para sa laptop at television sets na bibilhin at ipapamahagi sana sa mga paaralan na nangangailangan ng P27 billion pero P12 million lang ang inaprubahan ng DBM.
Hindi naman naisama sa pondo ng kagawaran ang alokasyon para sa internet allowances, medical check up at treatment ng mga guro, ayon kay Sevilla.
Maging ilan sa mga benepisyo ng mga guro tulad na lamang ng World Teachers Day incentives ay inalis na rin sa mga line items para sa susunod na taon.
Gayunman, sinabi ni Sevilla na nagkakahalaga ng P4 billion ang inilaang pondo para sa pagsunod ng DepEd ng minimum health at safety protocols sa pagpapatupad ng blended learning system sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Castro, dapat ibalik at kung maari ay dagdagan pa ang pondo ng DepEd, at ang P19 billion budget naman National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay ilipat na lamang dito.










