-- Advertisements --

Nagkakagulo ngayon sa iba’t ibang lugar sa Italya dahil sa bagong mga patakaran na ipapatupad upang hindi na mas lalo pang kumalat ang coronavirus pandemic sa bansa.

Pinaulanan ng mga raliyosta ng petro bombs ang mga otoridad sa Turin habang tear gas naman ang ginamit upang magwatak-watak ang mga demonstrador sa Milan.

May ilang karahasan din na naitala sa Naples City.

Kaagad sumiklab ang malawakang kilos-protesta sa bansa matapos ipag-utos ng Italian government ang pagsasara ng mga restaurant, bars, gyms, at sinehan sa buong Italy.

Karamihan din sa mga rehiyon ang nagpatupad na ng night-time curfews, tulad ng Rome, Genoa, Palermo at Trieste.

Ayon sa ilang maliliit na negosyo, hindi pa raw sila nakakabangon mula sa unang lockdown at kung magpapatupad ang kanilang gobyerno ng bagong patakaran ay maaari na silang ma-bankrupt.