-- Advertisements --

Binigyan diin ni Marikina Rep. Stella Quimbo na kailangan nang gawing digital ang pamamahagi ng pamahalaan ng cash aid, lalo na ngayong panahon ng pandemya, para sa mas mabilis na disbursement ng ayuda.

Sinabi ito ni Quimbo matapos na sabihin naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 8% lamang ng kabuuang P22.9 billion na pondo para sa cash assistance sa mga residente ng NCR Plus na apektado ng enhanced community quarantine ang naipamahagi hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay Quimbo, hindi kasalanan mga empleyado ng DSWD ang mabagal na disbursement dahil maraming mga factors ang dapat na ikonsidera tulad na lamang ng kakulangan sa manpower.

Iginiit ng kongresista na panahon na talaga na pati ang gobyerno ay magkaroon na rin ng digital transformation kung saan maaring idaan ang mga ayudang ipinamimigay.

Kasabay nito ay dapat na pag-aralan na rin aniya ng pamahalaan ang pag-migrate patungong electronic payment schemes.

Dagdag pa ni Quimbo, ang kakulngan nang data sa pagtukoy kung sino ang mga qualified beneficiaries sa assistance program ay problema rin.

Kung nagagamit na kasi sana ang National ID System ay madali na lamang ang pagtukoy sa mga beneficiaries.

Kaya naman hinihimok din niya ang Philippine Statistics Authority (PSA) na bilisan ang roll out ng National ID System.