-- Advertisements --

Naging sentro ng ika-31 ASEAN Political-Security Community (APSC) Meeting sa Cebu ngayong araw, Mayo 7, ang pagpapanatili ng seguridad at katatagan ng rehiyon sa gitna ng lumalalang pandaigdigang hamon.

Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapalakas ng collective security, pagsunod sa international law, at pagpapaigting ng koordinasyon sa rehiyon upang mapanatili ang kapayapaan sa Southeast Asia.

Sa kanyang opening remarks, sinabi ni Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na mahalagang manatiling nagkakaisa ang ASEAN sa harap ng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan, banta sa cybersecurity, transnational crime, at mga usapin sa maritime security.

“We continue to wrestle with the deepening impacts of the situation in the middle east on energy, food, and safety of our peoples. Our region must remain circumspect amid forces that threaten multilateralism,” saad ni Lazaro.

Binigyang-diin din niya ang implementasyon ng ASEAN Community Vision 2045 at ang panukalang pagtatatag ng ASEAN Maritime Center sa Pilipinas upang mapalakas ang kooperasyong pandagat sa rehiyon.

“It is also within the Political Security Pillar at which strengthen regional efforts to address transnational crime. equally vital is need to advance to maritime security and cooperation. As a region linked by our seas, the maritime domain remains central to our pursuit of stability and prosperity,” dagdag pa nito.

Ayon kay Lazaro, mahalagang mapanatili ng ASEAN ang papel nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa gitna ng nagbabagong geopolitical landscape.

Hinimok din niya ang mga miyembrong bansa na paigtingin ang information sharing, capacity building, at iba pang hakbang laban sa mga umuusbong na banta sa seguridad, kabilang ang paggamit ng artificial intelligence sa kriminalidad.