-- Advertisements --

Nakahandang maghain ng kasong plunder ang siyam na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang mga opisyales ng lalawigan sakaling ituloy ang paglalabas at paggamit ng 2021 annual budget ng probinsya.

Sinabi ni Majority Leader Bokal Sonny Ubana, nakatakda nilang isampa ang naturang kaso laban kina Gov. Danilo Suarez at mga department heads ng kapitolyo.

Ito ay kung itutuloy anila ang paggamit ng annual budget kahit pa hindi nareresolba sa hukuman ang usapin patungkol dito.

Nabatid na hindi inaprubahan ng Majority Bloc ng Sangguniang Panlalawigan ang proposed 2021 annual budget ng lalawigan.


Nakikita kasi nila itong depektibo at kuwestiyonable, pero sa kabila nito ay natuloy ang pag-apruba ng apat na miyembro naman ng Minority Bloc.

Inaprubahan ito sa pamamagitan ng special session dahil sinuspinde ng DILG ang walong bokal ng lalawigan.

Dahil dito, naghain ng petisyon sa husgado ang mga suspendidong bokal dahil sa anilay iligal na pagdaraos ng 2 special session sa annual budget para sa 2021 at 2022.