Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na inihaing kasong murder ng isang biyuda laban sa 21 pulis kaugnay sa pagkamatay ng kanyang asawa at anak sa ikinasang buy-bust operation noong Setyembre 2016 sa kasagsagan ng Oplan tokhang ng nakalipas na Duterte administration.
Sa 22-pahinang desisyon, ibinasura ng Third Division ang petisyon ng balo na si Mary Domingo dahil wala umanong malinaw at convincing evidence na ang operasyon ng pulisya ay plinano para patayin ang asawa at anak ni Domingo.
Sa kabila nito, pinagtibay naman ang desisyon ng Office of the Deputy Ombudsman for the Military and Other Law Enforcement Offices (OMB-MOLEO) na nakakita ng probable cause para kasuhan ang 4 na pulis ng 2 bilang ng homicide.
Napatunayan ding guilty ang 4 na pulis sa grave misconduct at sinuspendi sa serbisyo ang mga ito ng 1 taon nang walang bayad.
Samantala, 5 opisyal ang napatunayang guilty ng simple neglect of duty at nasuspinde ng 1 buwan habang 11 iba pa ang natanggal sa serbisyo.
Una rito, ayon sa petitioner na si Domingo, isang grupo ng mga armadong pulis ang pumasok sa kanilang tahanan noong Setyembre 14, 2016 at pumunta sa ikalawang palapag ng kanilang bahay kayat napilitan umano silang bumaba ng kanyang mga anak.
Suablit nang lumingon umano siya, nakita niya ang kanyang asawa na nakaluhod at nakatutok ang baril sa kanyang ulo habang ang kanyang anak ay nakiusap sa mga pulis at pagkatapos ay nakarinig na siya ng ilang putok ng baril.
Sa panig ng kapulisan, dumipensa ang police officers sa naturang drug operation na pinaputukan umano sila ng dalawang suspek.
Samantala, itinanggi din ni Domingo na sangkot sa drug trade ang kanyang asawa at anak.