-- Advertisements --

Aminado ang Philippine National Police (PNP) na tumaas ng 36 hanggang 38 na porsiyento ang bilang ng mga kaso na natanggap ng Internal Affairs Service (IAS) ngayong taon laban sa mga pasaway na pulis.

Ayon kay PNP-IAS Atty. Alfegar Triambulo, mula Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan ay umabot na sa 2,291 na reklamo ang kanilang natanggap.

Mas mataas aniya ito kompara sa datos noong nakalipas na taon sa kaparehong buwan, na 1,683 lang.

Paliwanag ni Triambulo, kasama sa mga kaso na iniimbestigahan nila ang mga pulis na nagpaputok ng baril, mga nasangkot sa iligal na droga, mga lumabag sa karapatang panto sa gitna ng police operation, at mga nasangkot sa vote buying nitong nakalipas na eleksyon.

Gayunman, sinabi ni Triambulo na kahit tumaas ang bilang ng mga hinahawakan nilang kaso ay nananatili ring mataas ang “efficiency rate” ng IAS.

Umabot kasi sa 1,454 ang bilang ng mga kasong kanilang naresolba ngayong taon, kompara sa 1,136 noong nakaraang taon.

Karamihan naman sa mga pulis na may kaso ay mga may ranggong patrolman.