-- Advertisements --

Aminado si Agriculture Secretary William Dar na hindi sapat ang pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa repopulation program nila sa local hog industry.

Sa joint committee hearing ng House Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry, sinabi ni Dar na mangangailangan ng karagdagang P6.6 billion para mapalakas pa ang repopulation program sa buong bansa.

Iginiit ni Dar na mahalga ang karagdagang pondo na ito upang sa gayon ay matiyak na sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon ay maibabalik na sa dati ang lagay ng local hog industry.

Sa kasalukuyan, naglaan ang DA ng P500 million para sa loan program ng Agricultural Credit Policy Council sa mga backyard at semi-commercial hog raisers sa mga ikinukonsidera bilang green zones.

Aabot naman sa P600 million ang para sa backyard clustering sa mga ASF-affected areas.

Habang nasa P27 billion naman para sa commercial hog raising sa loan program ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.

Sinabi ni Dar na isa lamang repopulation sa mga programa na mayroon sila sa ilalim ng kanilang ipinapatupad na “whole-of-nation” measures para tugunan ang kalbaryong idinulot ng African swine fever.