Pawang kalokohan lamang, ito ang paglalarawan ng abogado ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. na si Atty. Ferdinand Topacio sa plano ng Department of Justice (DOJ) na i-padeport o i-extradite ang napatalsik na mambabatas.
Ayon kay Atty. Topacio, may lakas ng loob na siyang sabihin ito matapos ang naging pakikipagpulong ng legal counsel ni Teves sa Timor-Leste at nalaman ang mga batas sa naturang bansa na applicable sa kaso ng dating mambabatas.
Nanindigan din ito na kabilang sa nakalatag na iba pang legal remedies na kanilang ikinokonsidera taliwas sa claims ng mga awtoridad sa PH ay ang paghingi ng political asylum o non-rendition.
Dagdag pa ni Atty. Topacio na napaka-strikto ng konstitusyon ng Timor-Leste sa due process ng batas at pareho din ang gagawin sa kaso ni Teves.
Una rito, isang araw matapos arestuhin si Teves sa East Timor noong nakalipas na linggo, sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na papabalikin si Teves sa bansa sa pamamagitan ng extradition o deportation.