-- Advertisements --

Hinikayat ng ilang senador ang Department of Agriculture (DA) na mas paigtingin pa ang ginagawa nitong kampanya laban sa pagpupuslit ng mga karne sa Pilipinas.

May ilang traders daw kasi na nakaisip ng bagong paraan upang ihalo ang naturang iligal na produkto sa mga groceries.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, hinahalo umano ng mga traders ang cut meats sa deboned chicken upang makalusot sa taxes at taripa sa pagpasok ng produkto sa bansa.

Malubha aniyang naaapektuhan sa ganitong gawain ang mga lokal na produkto dahil ang mga poultry at hog producers sa bansa ay pinagbabawalan na magbenta ng maramihan sa mga household consumers.

Ganito rin ang ikinababahala ni Sen. Francis Pangilinan para sa nagpapatuloy naman na smuggling ng palay.

Ito ay sa kabila nang pagpasa sa Rice Tarrification Law na siyang nagtatanggal sa cap ng foreign rice volume na dinadala sa bansa.

May ilang indibidwal din umano na ginagamit ang mga farmer groups bilang dummies sa pag-iimport ng palay dahil di-hamak na malaki ang kinikita nila mula sa tiwaling gawain.

Nais din ng mga mambabatas na magsampa ng kaso si Agriculture Secretary William Dar laban sa mga smugglers upang magbigay leksyon na rin sa mga ito na seryoso ang gobyerno sa kanilang kampanya kontra illegal imports.

“Ang isang problema din kasi hanggang ngayon wala pa ring napapakulong na big time smuggler kaya siguro talagang hindi sila natatakot dahil alam nila they can get away with it,” wika ni Sen. Nancy Binay.

Wala namang naging malinaw na sagot si Dar tungkol sa technical smuggling ngunit inihirt nito ang ideya nang pagbibigay ng intelligence funds para sa DA.

“Patunayan mo Secretary Dar… Ubusin mo ‘yang mga ‘yan,” paghahamon ni Sen. Bong Go.