-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na suportado ng Kamara ang lokal na pagawaan ng mga modernong jeepney at pagbibigay ng prayoridad sa mga ito sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na sinimulang ipatupad ng administrasyong Duterte at nirerepaso ng kasalukuyang administrasyon.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang priority ng pamahalaan ay ang Philippine-made na mga jeeoney dahil tiyak itong magbibigay ng trabaho at benepisyo sa mga manggagawang Pilipino.

Ito ang siniguro ni Speaker sa isinagawang dayalogo ng lider ng Kamara at mga kinatawan ng mga lokal na jeepney manufacturer sa Makati nitong Biyernes ng umaga.

Bagamat kinikilala ang kahalagahan ng dayuhang pamumuhunan, sinabi ni Speaker Romualdez na prayoridad ng gobyerno ang pagkakaroon ng maaasahan, matatag, ligtas at hindi mahal na pamasadang jeepney na gawa ng Pilipino.

Siniguro din ni Speaker ang suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang inisyatiba na kanyang isinusulong.

Kapwa naman nagpasalamat sina Francisco at Sarao kay Speaker Romualdez sa pakikinig sa kanilang mga hinaing at pagsuporta sa local jeepney industry.

Kasama ni Speaker sa dayalogo sina Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ng Quezon at si House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co ng Ako Bicol Partylist.

Ikinasa ang pulong kasunod ng desisyon ni Pangulong Marcos na palawigin ang deadline sa pagpapalawig ng consolidation ng PUVMP hanggang Abril 30.

Nauna ng nakipagpulong si Romualdez sa mga lider ng transport group na umapela na palawigin ang deadline ng consolidation ng mga jeepney.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagsuporta sa talentong Pilipino at pagkilala sa inobasyon mula sa hanay ng mga lokal na manufacturer.

Tinukoy pa ni Speaker ang mahalagang papel ng mga local jeepney manufacturer sa modernisasyon ng lokal na pampublikong transportasyon.

Sa dayalogo ay ibinahagi ni Francisco ang pakikipag-usap sa Maharlika Investment Corp. (MIC) para sa posibleng pamumuhunan upang mapabilis ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Aniya nagkaroon sila ng konsultasyon kasama si MIC CEO, Joel Consing, para makakuha ng $200 million o katumbas ng P11 billyon na puhunan mula sa Maharlika Investment Fund.

Matatandaan na una nang inimungkahi ni Romualdez ang posibilidad ng pamumuhunan ng Maharlika Fund sa jeepney modernization upang mapalakas ang local manufacturers sa industriya ng transportasyon.