-- Advertisements --

Pinunan na ng House of Representatives ang binakanteng pwesto ni Batangas Rep. Ralph Recto na itinalagang kalihim ng Department of Finance (DOF).

Sa pagbabalik sesyon ng Kamara ngayong araw, inihalal ng Mababang Kapulungan si Quezon 2nd district Rep. David “Jay-Jay” Suarez bilang bagong Deputy Speaker ng 19th Congress.

Sa sesyon ng Kamara ngayong Lunes, inanunsyo ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe ang pagkakatalaga kay Suarez, kapalit ni dating House Deputy Speaker at Batangas 6th district Rep. Ralph Recto.

Matatandaan na itinalaga ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. si Recto bilang bagong kalihim ng Department of Finance.

Inanunsyo rin sa plenaryo na si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang magiging care taker ng 6th District ng Batangas.

Hindi naman malinaw kung ididiklara ng Kamara na bakante ang pwesto ni Recto o magsasagawa ng special election.

Mahigit isang taon na lamang kasi at 2025 midterm election na.