-- Advertisements --

Natanggap na ng House of Representatives (HOR) ang abiso mula sa Senate impeachment court kaugnay ng nakatakdang pre-trial conference sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang inihayag ni House prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon.

Batay sa abisong nilagdaan ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian, inatasan ang kampo ni Vice President Sara Duterte at ang House prosecution panel na dumalo sa pagdinig sa Senado sa Hunyo 18, ganap na alas-9 ng umaga.

Inaatasan din ang magkabilang panig na magsumite ng kanilang pre-trial briefs bago o sa Hunyo 15. 

Dapat nitong ilahad ang mga napagkasunduang katotohanan, mga isyung kailangang resolbahin, at listahan ng mga ebidensya at testigong ihaharap sa paglilitis.

Hindi magiging bukas sa media at publiko ang pre-trial conference upang mapadali ang talakayan at matiyak ang maayos at mabilis na pag-usad ng kaso.

Ayon kay Ridon, magsisilbi ang pre-trial conference bilang gabay sa iskedyul at mga prosesong susundin sa impeachment trial.