Nagpaliwanag ang dalawa sa respondents na nakita sa CCTV footage kasama ng flight attendant na si Christine Dacera noong Bagong Taon hinggil sa kung ano ang totoong nangyari sa likod ng video clips na isinapubliko kamakailan.
Ayon kay Valentine Rosales, si Dacera ang siyang humalik sa kanya, na makikita sa video clips na kuha ng CCTV ng hotel na kanilang tinuluyan noong Bagong Taon.
“In my Facebook account… I posted the whole scene, how, first, siya ‘yung nag-initiate ng kiss sa’kin. I was trying to open the door, nag-d-doorbell ako, siya ‘yung sumunggab sa’kin,” ani Rosales.
Ayon kay Rosales, base sa mas mahabang version ng CCTV footage na kanyang inilagay sa kanyang Facebook account, umiilag siya kay Dacera matapos siyang halikan nito.
Sinabi naman ni Rommel Galido, isa sa mga malapit na kaibigan ni Dacera na kasama rin nito sa New Year’s Eve party, na hindi na bago sa kanila na halikan sila ng biktima kapag nalalasing ito.
“Ano talaga si Tin, ‘pag nalasing may time na nang-aaway, nawawala sa sarili niya. Kung saang lugar siya maging komportable sa pagtulog niya, doon siya matutulog. Tapos minsan sobrang kulit niya tapos may time pa na lahat kami pinaghahalikan niya,” ani Galido.
Samantala, sinabi naman ni JP Dela Serna III na dakong alas-4:00 ng madaling araw noong Enero 1 nang bitbitin niya si Dacera mula sa kalapit na hotel room pabalik sa inupahang kuwarto nilang magkakaibigan na Room 2209.
“Si Tin nawala po siya sa paningin ko from room 2209 then sinundo ko po siya sa room 2207 kasi alam ko nandon lang siya,” giit ni Dela Serna.
Magugunita na Enero 1 nang matagpuang patay si Dacera sa bathtub sa kwarto ng hotel na inupahan nito.
Inaresto sina Dela Sernda, Galido at John Paul Halili pero kalaunan ay pinakawalan din kasunod nang utos ng Makati City Prosecutor’s Office, na nagsabing “insufficient” para masabi na hinalay si Dacera.
Mariing itinanggi nila Dela Serna, Galido, Rosales at isa pang respondent sa kaso na si Clark Rapina ang umano’y foul play sa pagkamatay ni Dacera.