-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Hindi na nararapat pang iugnay ang kaguluhang nangyayari sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas sa kaguluhan sa pagitan naman ng Russia at Ukraine.

Ito ang inihayag ni Genevive Dignadice, Bombo International News Correspondent sa Moscow, Russia kaugnay sa inilabas na pahayag ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na tila nasasapawan na umano ng Israel-Hamas war ang isyu ng kaniyang bansa at ng Russia.

Saad ni Dignadice na hindi makabuluhang iugnay pa at isiping inaagaw ng Palestinian ang spotlight pagdating sa naturang usapin dahil sensitibo ito para sa mga inosenteng sangkot sa gulo.

Bagamat totoong mas nagiging matunog ngayon sa mga balita ang kaguluhang nagaganapa sa Israel, hindi naman aniya ito intentional.

Dagdag pa niya na wala dapat sanang sisihin lalo pa at hindi naman biro o parang laro lamang ang nagaganap na bakbakan ng mga bansa.

Samantala sa kasalukuyan ay unti unti na rin aniyang lumuluwag ang protocols sa bansang Russia hindi tulad dati.

Umaasa din aniya siyang tuluy tuloy nang maranasan ang kapayapaan at mapanatili ang seguridad ng mga mamamayan hindi lamang sa Russia at Ukraine kundi pati na rin sa Israel.