Binigyang diin ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ang mga Kadiwa stores sa bansa ay may mahalagang papel sa buhay ng mga Pilipinong nangangailangan sa gitna ng nararanasang inflation.
Sa pamamagitan ng pahayag na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), inihayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) monetary board member Bruce Tolentino ang kahalagahan ng Kadiwa outlets sa bansa, lalo na ang mga mahihirap na apektado ng pagtaas ng presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin.
Aniya, ito ay isang kapaki-pakinabang na panukala upang ipakilala ang high nutrients food sa mga malnourished na populasyon.
Ipinunto ng opisyal ng BSP na ang pagtatayo ng mga Kadiwa outlet sa iba’t ibang lugar sa bansa ay isang “welcome effort” sa panahong nananatiling hindi tiyak ang inflation.
Dagdag pa ng opisyal, kung ito ay palawakin, umaasa sila na makakagawa ng paraan ang administrasyong(Marcos upang makamit ang vison nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong magsasaka, mangingisda at micro, small and medium enterprise na magkaroon ng karagdagang kita sa pamamagitan ng direktang farm-to-consumer.
Sa kasalukuyan ay may higit sa 300 na Kadiwa stores sa buong bansa.
Una na rito, ang Kadiwa ay isang farm-to-consumer market chain program sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) na nagpapahintulot sa mga local producer na direktang magbenta sa mga consumer sa abot-kayang presyo.