
Pinagkibit-balikat lamang ni Justice Secretary Remulla ang hamon ni suspended Bureau of Corrections Director-General Gerald Bantag na magbitiw ito sa pwesto dahil nawalan na aniya ito ng kredibilidad.
Hinamon naman ni Remulla si Bantag na patunayan ang alegasyon nito.
Banat ni Remulla na dapat tanungin ni Bantag sa kaniyang abogado ang kaniyang dapat na gawin.
Inihayag din ni Bantag na sinusubukan umanong palayain ni remulla ang ilang mga bilanggong mga boss ng gang group sa pamamagitan ng Witness Protection Program subalit itinanggi ito ni Remulla at sinabing wala siyang nalalaman sa paratang na ito ni Bantag.
Tinatangka din umanong ilipat ni Remulla ang convicted BuCor inmate na si German Agojo mula sa kustodiya ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines patungo sa National Bureau of Investigation sa kabila ng pagkakasangkot nito sa pagpatay kay Lapid.
Depensa naman ng Justice Secretary na ginawa lamang ang naturang hakbang nang mabanggit ang pangalan ni Agojo ng isang informant para masecure ito at sinabi din ni Agojo na wala itong nalalaman.
Magugunita na sinabi ni Bantag na sa oras na naisyu na ang warrant of arrest kaugnay sa dalawang murder complaint laban sa kaniya ay susuko siya subalit dapat aniyang magbitiw muna bilang Justice Secretary si Remulla dahil maaaring imanipula umano ang murder cases laban sa kaniya.
Si Bantag ang itinuturong mastermind pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid at sa inmate na si Jun Villamor na pinangalanan ng self-confessed gunman bilang middleman.
Samantala, nakatakdang isagawa ang unang araw ng preliminary investigation sa Nobiyembre 23.










