-- Advertisements --

Kinuha ng pamilya Remulla ang kaanak na abogado para kumatawan kay Juanito Jose D. Remulla III sa illegal drug case na kinakaharap nito.

Sa kabila nito ay nanindigan si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi siya manghihimasok sa kaso ng 38-anyos niyang anak.

Sa press conference sinabi ni Remulla na hindi pa sila nagkakausap ng kaniyang anak.

“I haven’t talked to him since the beginning. I have stayed away from his case. I have not asked anybody any favor,” ayon sa kalihim.

Tiniyak din ng kalihim ng DOJ na walang kaugnayan sa Department of Justice ang abogado ng kaniyang anak.

Ipinayo din ni Remulla sa abogado na huwag maghahain sa kaniyang tanggapan ng petition for review sa kaso ng kaniyang anak.

Sa ilalim ng rules, anumang pasya na ipinalalabas ng city at provincial prosecutors ay maaaring iakyat o kuwestyunin sa tanggapan ng Justice Secretary sa pamamagitan ng petitions for review.

“Face it in court. Don’t let it reach me,” ani Sec. Remulla.

Sa isang online interview na subok na siya sa mga ganitong uri ng problema bilang matagal nang pulitiko at anak din ng pulitiko.

“Siguro I was built for this job as I have encountered so many problems as a professional, politician, and son of a politician and I cannot summon others but me. Matatapos din yan bigyan na lamang ng panahon at tamang oras,” ayon sa kalihim.

Ilang ulit din nitong iginiit na anuman ang kalabasan ng kaso ay hindi siya makikialam o manghihimasok.

Mananatili lamang umano siyang naka-focus sa kaniyang trabaho bilang justice secretary.