-- Advertisements --

Tiniyak ni House Justice Committee member at Manila Representative Joel Chua na walang nangyayaring ‘grandstanding’ sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay kasunod ng naunang pagpuna ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ginagamit ng mga miyembro ng komite ang pagkakataon upang makakuha ng libreng publicity, lalo at malapit na ang 2028 elections.

Ayon kay Chua, na nagsisilbi ring chairman ng House Committee on Public Accountability and Good Government, istrikto ang committee chair na si Rep. Gerville Luistro at batid ng publiko na hindi pinagbibigyan ang mga ‘probing question’ kaya’t walang nakakalusot na sinumang magnanais gumawa ng grandstanding.

Mataas din aniya ang pamantayang ipinatutupad sa pagdinig at tanging mga tanong na direktang may kinalaman sa ebidensya at mga affidavit lamang ang pinahihintulutan.

Inihalimbawa ng mambabatas ang pagsita ng komite sa mga mambabatas na lumilihis ang kanilang linya ng pagtatanong.

Wala aniyang pinapalagpas kahit pa miyembro ng minority o majority, habang bukas din sa publiko ang record ng pagdinig.

Giit ni Chua, disiplinado ang mga miyembro ng justice panel – walang pa-epal, walang eksena, at sa halip ay nakabatay lamang sa kanilang trabaho.