-- Advertisements --

Mahaharap ngayon sa kaukulang parusa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ride hailing app na Joyride dahil sa sobrang paniningil nito sa mga pasahero.

Ito ay matapos na mahuli ang isang driver na miyembro ng nasabing app na nagpabayad ng priority boarding fee sa kaniyang pasahero sa Quezon City.

Lingid sa kaniyang kaalaman, ang pasaherong kaniyang isinakay ay isang “mystery passenger” pala na ipinakalat ng LTFRB upang suriin kung gumagawa ng ganitong bawal na gawain ang mga transport network company (TNC) tulad ng Joyride.

Sa isang pahayag ay sinabi ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion na kabilang sa opsyon ng kagawaran ang pagsususpindi sa operasyon ng Joyride o ang pagmultahin ito.

Samantala, nakatakda naman na magsumite ang kagawaran ng report ukol dito sa loob ng linggong ito sa pangunguna ni LTFRB Chairman Martin Delgra III.

Magugunita na una nang tumanggap ang LTFRB ng 1,001 na mga aplikante para sa mga binuksang slot para sa transport network vehicle service (TNVS) unit sa buong bansa.