-- Advertisements --

Tinitingnan ng defense ministry ng Japan ang posibilidad na mag-export ng surface-to-ship missiles sa Pilipinas.

Kasabay nito, nagpapatupad ang Japan ng mas malawak na pagbabago sa kanilang defense export rules, kabilang ang pag-aalis ng ilang dekadang restriksyon sa pagbebenta ng mga armas sa ibang bansa tulad ng warships, missiles, at iba pang military equipment.

Ayon sa ulat, bahagi ito ng mas agresibong pagposisyon ng Japan sa seguridad sa rehiyon, lalo na sa gitna ng lumalalang tensyon sa China at isyu sa Taiwan.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang defense ministry ng Japan hinggil sa naturang ulat, ngunit kinumpirma ng Philippine defense officials na may mga pag-uusap na sa pagitan ng Pilipinas at Japan tungkol sa posibleng defense equipment deals.

Nauna na ring nagbukas ang Japan sa ideya ng pagbibigay ng patrol aircraft at naval assets sa Pilipinas, habang patuloy ang joint military exercises ng dalawang bansa kasama ang US at Australia.

Itinuturing ng mga security analysts ang Pilipinas at Japan bilang bahagi ng “First Island Chain,” isang mahalagang estratehikong hanay ng mga isla na may papel sa paglimita sa access ng China sa Western Pacific. (report by Bombo Jai)