Naniniwala si House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na isang divertionary tactic ang kontrobersya na kinasasangkutan ng 18 “Maleta Boys” na layong ilihis ang atensiyon ng publiko mula sa gaganaping impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Adiong na kwestiyunable ang timing ng kanilang akusasyon at napaka obvious ang intensiyon para ilihis ang atensiyon.
Nagmula ang isyu sa alegasyon ng 18 dating bodyguard ni Zaldy Co.
Idiniin ng grupo na naghatid umano sila ng mga maletang naglalaman ng pera sa ilang mambabatas, kabilang si Adiong na mariing itinanggi ang paratang.
Ayon kay Adiong, hayagang nagpapakilala ang mga nag-aakusa bilang mga tagasuporta ng Bise Presidente.
Pinuna rin niya ang pagpupumilit na iharap ang mga ito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee sa mismong panahon na naghahanda ang Senado para sa paglilitis.
Giit pa niya, ang mga isyung idinamay sa kontrobersya gaya ng pondo sa flood control ay inaaksyunan na ng mga tamang ahensya tulad ng Ombudsman na nagsasagawa na ng case build up.
Kaya naman, dapat aniyang magpokus ang Senado sa tungkulin nito bilang isang Impeachment Court dahil hawak na nito ang hurisdiksyon sa kaso ng Bise Presidente.
Kumpiyansa naman si Adiong na tuloy-tuloy na ang proseso matapos makatanggap ng abiso mula sa pamunuan ng Senado para sa gaganaping pre-trial conference sa darating na Hunyo 18.










