-- Advertisements --

Inirekominda ng isang kongresista na iakyat sa Korte Suprema ang issue sa pagbubuwis sa Philippine Offshore Gamine Operators (POGOs).

Ito ay kung hindi aniya malinawan ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang issue na ito, ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

Naniniwala ang kongresista na dapat makolekta ang nasa P18 billion hanggang P20 billion na franchise tax mula sa POGOs.

Sakop naman kasi talaga aniya ng batas sa bansa ang POGOs, dahil regulated sila ng PAGCOR matapos na mabigyan ng lisensya.

Salungat ito sa pahayag ng Office of the Solicitor General noong 2019 na nagsasabi na hindi maaring buwisan ang mga POGOs dahil ang offshore operations ay kinukonsiderang isinasagawa sa labas ng bansa.

Pero iginiit ni Barbers na hindi maaring itanggi ng POGOs na mayroon silang physical presence sa bansa kaya dapat buwisan ang mga ito.