Pinigilan ng pulisya ng Israel ang daan-daang Palestino na sasamba sa Al Aqsa Mosque sa Jerusalem para sa unang dasal ng kapistahan ng Ramadan.
Ito ay kahit na una nang ipinangako ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu na pahintulutang makapagtipon ang mga Palestino sa isang banal na lugar at isagawa ang pagsamba.
Tumaas ang tensiyon sa pagitan ng Israeli at Palestinians nang hindi papasukin ang mga Palestinong muslim sa Mosque na nauwi naman sa pagpoprotesta at pagsugod ng mga ito sa kapulisan nang dahil sa umano’y pagbabalewala ng mga ito sa direktiba ni Netanyahu.
Makikita sa isang kumakalat na video ang pag-atake ng Israeli Border Police sa mga mananamba habang iwinawasiwas nila ang kanilang mga baton at hinahampas ang ilang lalaki upang hawiin ang daan.
Pero depensa ng pulisya ng Israel na layunin lamang nilang bigyan ang mga ito ng kalayaan sa pagsamba kasabay ng pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng lugar.
Samantala, nanawagan naman ang Abraham Initiatives, isang non-profit organization kay Netanyahu na tiyaking makapagdasal ang mga Muslim sa kanilang banal na sambahan nang walang nasasaktan.
Una nang sinabi ng ilang Palestinian na ang pagdiriwang ng Ramadan ngayong taon ay ibang-iba kumpara sa normal na nakagawian nitong paggunita sa naturang okasyon.
Gayunpaman ay nanindigan ang mga ito na magpapatuloy pa rin ang kanilang pagdiriwang sa Ramadan sa kabila ng nagpapatuloy na digmaan ngayon sa Gaza.