Naglabas ng panibagong evacuation orders ang Israel para sa ilang bayan sa southern Lebanon nitong Linggo, kasunod ng pagkamatay ng isang sundalo at patuloy na labanan sa pagitan ng Israeli forces at grupong Hezbollah.
Ayon sa Israeli military, pinayuhan ang mga residente sa pitong bayan na lumikas patungong hilaga at kanluran, lampas sa tinatawag na “buffer zone” na kontrolado ng Israel bago ang ceasefire.
Sinabi rin ng Israel na nagsagawa sila ng mga airstrike laban sa Hezbollah, rocket launchers, at isang weapons depot.
Iginiit ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, na pangunahing layunin nila ang seguridad, kanilang mga sundalo, at ng mga komunidad sa bansa.
Samantala, tumugon ang Hezbollah at sinabing hindi nila ititigil ang pag-atake hangga’t nagpapatuloy umano ang paglabag ng Israel sa ceasefire. Ayon sa grupo, hindi sila aasa sa diplomasya na anila’y hindi naging epektibo.
Nauna rito, inamin ng Hezbollah na inatake nila ang Israeli troops sa loob ng Lebanon, kabilang ang rescue team na rumesponde. Kinumpirma naman ng Israeli military na isang sundalo ang nasawi at anim ang sugatan sa insidente.
Iniulat din ng Israel na naharang nito ang tatlong drone bago pa man makapasok sa kanilang teritoryo.
Ang ceasefire na pinangunahan ng Estados Unidos, na nagsimula noong Abril 16 at pinalawig hanggang kalagitnaan ng Mayo, ay nagdulot ng pansamantalang pagbawas ng karahasan. Gayunpaman, patuloy ang palitan ng putok sa magkabilang panig, na kapwa nagsisihan sa paglabag sa kasunduan.
Ayon sa Lebanon health ministry, mahigit 2,500 katao na ang nasawi sa mga pag-atake ng Israel mula nang sumiklab muli ang labanan noong Marso 2, kabilang ang mga sibilyan tulad ng kababaihan, bata, at mga medical worker.
Sa panig naman ng Israel, dalawang sibilyan ang naiulat na nasawi dahil sa mga pag-atake ng Hezbollah, habang 16 na sundalo ang napatay sa loob ng Lebanon mula nang magsimula ang labanan.















