Itinuring ng ‘online personality’ na si Jack Argota na walang kwenta at abala lamang ang kinakaharap na reklamong ‘cyber-libel’ sa Department of Justice.
Tiwala aniya siyang mababasura ang naturang reklamo nang personal humarap ngayong araw sa isinagawang preliminary investigation ng prosekusyon ukol sa reklamo.
Ayon kay Argota, kanyang isinumite ang ‘counter-affidavit’ na siyang naudlot sa makaraang pagbisita sapagkat di’ sumipot ang complainant.
Gayunpaman, sa pagtatanong ng Bombo Radyo kay Argota, ibinahagi niyang ipauubaya na lamang ito sa Panginoon sakali man ibasura ng prosekusyon.
Aminado naman si Argota na bahagya siyang nag-iingat sa mga ipinopost niya online dahil sa kinakaharap pang reklamo na isinampa laban sa kanya.
Mahirap aniyang kumilos pa sapagkat bawat sasabihin ay maaaring magamit kontra sa kanya.
Kaya nama’y hiling ni Jack Argota na ito’y matapos na at makausad sa kanyang normal na gawain o buhay.
Kung maalala sinampahan siya ng National Bureau of Investigation ng reklamong ‘cyber-libel’ sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng R.A. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 kaugnay ng Article 353 at Unlawful Publication ng Article 154 ng Revised Penal Code.
May kinalaman ang mga reklamong inihain laban sa kanya nang i-post nito online ang umano’y pekeng ‘medical record’ ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ngunit ngayong nagpakita at nag-jumping jack ang pangulo sa harap ng midya, sagot ni Argota na dapat tutukan ni Pres. Marcos Jr. ang paghanap ng solusyon sa kinakaharap na krisis sa gasolina ng bansa.
















