Ipinag-utos na ngayon ni PRO-7 Regional Director Police Brigadier General Roderick Augustus Alba ang malalimang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng isang baguhang pulis sa loob ng barracks ng Camp Ceperino Genovia, Brgy. Bahay, Sibonga Cebu kahapon, Nobyembre 2.
Nakilala ang biktima na si Patrolman Edgardo Pilariz Silva, 32 anyos, residente ng Tanjay City, Negros Oriental at kasalukuyang nakatalaga sa Regional Mobile Force Battallion-7 Technical Support Company bilang Assistant Operation PNCO.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nakarinig ng putok ng baril ang mga kasamahan ni Silva at nang sinuri ang barracks ay nakita nalang ang biktima na naliligo na sa sariling dugo at nakapatong sa dibdib ang service firearms nito.
Hindi naman inaalis ng PNP ang posibilidad na may foul play o suicide ang dahilan ng pagkamatay nito kaya patuloy pa nilang iniimbestigahan.
Nagpaabot naman ngayon ng pakikiramay ang buong sakop ng RMFB-7 at hiniling ang publiko na igalang ang privacy ng pamilya at iwasang magbahagi ng walang basehang impormasyon tungkol sa pagkamatay ng baguhang pulis.