-- Advertisements --

Sinampahan ng kasong murder ang isang police officer na nakabaril-patay sa isang traffice enforcer na umano’y napagkamalan na magnanakaw ng motorsiklo.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) chief Police Brigadier General Nicolas Torre III , naihain na ang kaso sa piskalya at hinihintay na lamang ang magiging resolusyon ng piskal.

Sinabi ng QCPD official na kasong murder ang inihain dahil hindi aniya nakikitaan ng justification para sa suspek na si Police Lieutenant Felixberto Rapana Tiquil para barilin ang biktimang traffic enforcer na si Edgar Follero.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng police ang suspek na personnel ng Manila Police District Anti-Carnapping Unit (MPD-DACU).

Una rito, nagtamo ang biktimang traffic enforcer ng tama ng baril sa kaniyang dibdib at braso.

Sinundan pa ng suspek ang biktima at kaniyang kasamahan na nagtutulak ng hindi umaandar na motorsiklo mula sa Manila patungong Quezon city.

Ayon kay Torre, sinabi ng Manila Police District (MPD) na walang operasyon ang nasabing police officer kaugnay sa nasabing insidente.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pamilya ng biktima at nangakong kanilang tutulungan ang pamilya na makamit ang hustisya.

Nabunyag din na tinutulungan lamang ng traffic enforcer ang isang delivery rider na nairaan ng motorsiklo nang mangyari ang insidente.

Top