-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Imumungkahi ng isang political analyst sa COMELEC na isapubliko ang mga natatanaggap na ulat kaugnay ng mga nagaganap na vote buying sa panahon ng halalan

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst na imumungkahi niya sa COMELEC na isapubliko o ibigay sa media ang mga natanggap na mga ulat kaugnay sa vote buying dahil hindi naman ito banta sa seguridad.

Naiintindihan naman niya ang punto ng COMELEC na mahirap na imbestigahan ang mga ulat pangunahin na kung walang ebedensiya na naibibigay ng mga nagrereklamo , bukod pa sa pagkukulang sila ng mga kawani.

Ipinaliwanag pa ni Atty. Yusingco na hindi lamang COMELEC ang maaring magsiyasat sa mga nagaganap na vote buying kundi maari silang humingi ng tulong sa DOJ maging sa mga civil society organizations tulad ng IBP , Lente at Kontra Daya.

Ang mga civil society groups naman anya ay handang tumulong ng libre at maaring magsagawa ng pagsisiyasat upang makakuha ng mga ebedensiya at maghanap ng mga testigo.

Malaking problema ang vote buying at vote selling na hindi kayang malutas ng COMELEC at naniniwala siyang malaking tulong ang mga civil society groups upang malutas ang naturang problema sa bansa.