-- Advertisements --
JEEPD

Magpapatuloy pa rin ang isang linggong transport holiday na inorganisa ng mga transport group sa kabila ng desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawigin ang deadline para sa mga jeepney operator na sumali o bumuo ng mga kooperatiba hanggang Disyembre 31, 2023.

Ayon kay Manibela Chairperson Mar Valbuena, itutuloy pa rin umano nila ang tigil-pasada sa susunod na linggo.

Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maglalabas sila ng bagong memorandum circular na magpapalawig sa nakatakdang Hunyo 30 na deadline para sa konsolidasyon.

Giit naman ni Valbuena na wala pa siyang nakikitang kopya ng dokumento ngunit ipinaalam sa kanya na hindi nito kasama ang mga solusyon sa isa sa kanilang mga hinaing.

Dagdag dito, nasa 40,000 public utility vehicles (PUV) umano ang sasama sa naturang strike na maaaring makaparalisa sa transport system sa Metro Manila mula Marso 6 hanggang Marso 12, 2023.

Inaatasan ang mga jeepney driver at operator na sumali o bumuo ng mga kooperatiba sa ilalim ng public utility vehicles o PUV Modernization Program, na naglalayong palitan ang mga tradisyunal na jeepney ng mga sasakyang pinapagana ng mas environment-friendly na gasolina.

Una nang nagpahayag din ng pag-asa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi matutuloy ang nasabing isang linggong transport strike.