Naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pagtatangka ng isang blacklisted na Chinese national na makabalik sa Pilipinas matapos na gumamit ng pekeng entry visa.
Dumating ang naturang Tsino na kinilalang si Lin Jingxiong, 30 anyos, sa airport lulan ng Cebu Pacific flight mula sa bansang Singapore subalit nahuli rin matapos na madiskubre na nasa blacklist ito sa records ng BI.
Sa inisyal na inspeksyon, nagpresenta ng banyaga ng Philippine visa na kalaunan ay nakumpirma ng BI forensic laboratory na peke ang kanyang visa.
Pinuri naman ni BI Commissioner Norman Tansingco ang immigration officers para sa kanilang kahusayan sa forensic document analysis na nag-ambag ng mahalagang papel sa pagkakabunyag ng pekeng visa.
Ayon sa records ng BI, nasa blacklist ang Chinese national noon pang Pebrero ng kasalukuyang taon dahil sa overstay na ito sa Pilipinas.
Nakadetine na ang naturang dayuhan sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang pagpapadeport dito.