-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkadismaya si US President Joe Biden hinggil sa pagkasawi ng sundalong Amerikano sa kanyang pakikipaglaban sa Ukraine.

Si Willy Joseph Cancel ay isang 22-taong gulang na nagtatrabaho sa isang private military contracting company na nagpadala sa kanya sa Ukraine upang makipaglaban doon kasama ang Ukrainian military.

Kinumpirma ito ng kanyang ina na si Rebecca Cabrera Cancel, at sinabing binabayaran daw siya ng kumpanyang kanyang pinapasukan kapalit ng kanyang pakikipaglaban sa nasabing bansa na nagbunsod naman sa kanyang pagkasawi noong April 25.

Bago sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine ay dating miyembro ng US Marine si Cancel.

Ayon sa kanyang ina, namasukan ito sa private military contracting company bukod pa sa kanyang full-time job bilang isang correction officer sa Tennessee.

Ikinalungkot ni Biden ang naging kinahinatnat ni Cancel sa pakikipagsagupan sa Ukraine lalo na’t may iniwan pa aniya itong supling sa kanyang asawa.

Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si White House press secretary Jen Psaki sa naiwang pamilya ni Cancel ngunit sinabing hindi pa raw opisyal na nakukumpirma ng US government ang kanyang pagkamatay.

Nagbabala naman si Psaki sa lahat ng mga Amerikano na iwasan mula ang pagbiyahe patungong Ukraine sa anumang kadahilanan.