-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Umakyat na sa mahigit 1,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Isabela matapos na maitala ngayong araw ang 83 na panibagong kaso.

Sa inilabas na abiso ng pamahalaang panlalawigan, pinakarami ang bayan ng Cordon na may 43; 20 sa Santiago City, 11 sa Quirino, tig-lilima sa Alicia at Echague, tig-dadalawa sa Roxas at lunsod ng Cauayan habang tig-iisa sa Aurora, Ilagan City, San Isidro at San Mateo.

Sa ngayon ay umabot na sa 6,987 ang tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan, 5,847 ang gumaling, 1,006 ang aktibong kaso at 134 ang nasawi.

Sa mga aktibong kaso ay 11 ang locally stranded individuals, 153 ang Health Workers, labing walo ang pulis at 824 ang mula sa local transmission.

Muling pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ang publiko na sundin ang mga alituntunin at huwag lumabas sa tahanan kung hindi kinakailangan para makaiwas sa virus.