CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang Isabela dahil sa malawakang pinsalang dulot ng mga pagbaha sa iba’t ibang bayan at lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gov. Rodito Albano na na-assess niya ang lawak ng pinsala partikular sa agrikultura at kabuhayan ng mga mamamayanna sa kanyang ginawang pag-iikot sa lalawigan.
Tiniyak ng gobernador na may sapat na pondo ang pamahalaang panlalawigan na gagamitin para matulungan ang mga magsasaka tulad ng pamamahagi sa kanila ng libreng binhi at iba pang kailangan nila sa pagtatanim.
Ito ay bukod sa tulong na ibinibigay ng ilang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture maging ng Philippine Red Cross.
Nasa 12 bayan at lungsod sa Isabela ang naapektuhan ng pagbaha kabilang sa City of Ilagan na kabisera ng Isabela.
Bukod sa pagbaha, naapektuhan din ang mga magsasaka sa Isabela ng mabababng presyo ng palay bunga ng pagpapatupad sa Rice Tarrification Law.