-- Advertisements --
image 58

Pinaiimbestigahan na ngayon ng Philippine National Police ang isa pang insidente ng hazing na iniulat sa Cebu City Police office.

Ito ay matapos na muling mabuhay ang kaso ng pagkamatay ng isa ring estudyante sa Cebu na si Ronnel Baguio nang dahil sa hazing noong Disyembre 19, 2022 kasunod ng pagkasawi ng isa ring estudyante na si John Matthew Salilig na nakita sa isang mababaw na hukay sa bahagi ng Cavite na nakitaan din ng mga sinyales ng hazing.

Batay sa inilabas na pahayag ng pambansang pulisya, sa ngayon ay tinututukan na ng Mambaling Police station ng Cebu City Police office ang kaso ni Baguio at nakahanap na rin anila sila ng mga testigo para rito.

Sa ulat ay natukoy na ng mga otoridad ang mga suspek sa nasabing kaso at handa anila ang mga ito na magsagawa ng kanilang affidavit.

Dahil dito ay inaasahang masasampahan na ng pulisya ng kaso ang mga ito anumang oras sa lalong madaling panahon.

Samantala, kaugnay nito ay patuloy namang tiniyak ng police regional office 7 na masusi nitong pangangasiwaan ang nasabing imbestigasyon upang maihatid sa naiwang pamilya ng mga biktima at maipakulong ang mga salarin upang pagbayarin ang mga ito sa kanilang mga kasalanan.