-- Advertisements --

Nagpakawala ng sunod-sunod na missile ang Iran patungo sa Israel, ayon sa Israeli military, habang patuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan.

Nag-trigger ng air raid sirens sa ilang bahagi ng Israel, kabilang ang Tel Aviv, kung saan nakarinig ng mga pagsabog mula sa mga interception. May mga bahay rin sa hilagang Israel na napinsala dahil sa bumagsak na debris, ngunit walang naiulat na nasawi.

Sa gitna ng eskalasyon, sinabi ni US President Donald Trump na nagkaroon ng “productive talks” sa Iran at naantala ang plano umanong pag-atake sa energy grid ng bansa. Ngunit itinanggi ito ng mataas na opisyal ng Iran at tinawag na “fake news” at psychological operation.

Ayon sa Iran, walang naganap na negosasyon sa pagitan nila at ng US, at iginiit ng Revolutionary Guards na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa mga target ng Amerika.

Samantala, nagbago-bago ang reaksyon ng global markets, tumaas ang presyo ng langis habang bumaba ang tiwala ng merkado dahil sa magkasalungat na pahayag mula Washington at Tehran. (Report by Bombo Jai)