-- Advertisements --
IPOPHLLogo2017 2logol

Nakapagtala ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL) ng pagbaba sa bilang ng mga counterfeit at piracy report sa unang siyam na buwan ng 2023.

Ayon kay IPOPHIL Intellectual Property Rights Enforcement Officer supervising director Christine Pangilinan-Canlapan, resulta na rin ito ng inisyatiba at kampanya ng ahensiya para matugunan ang naturang isyu.

Batay sa datus aniya, nakatanggap lamang ang IPOPHIL ng hanggang sa 236 counterfeiting at piracy report mula Enero hanggang sa huling linggo ng Setyembre.

153 dito ay mga reklamo ukol sa mga pirated content habang 83 ay mga counterfeit o huwad na produkto.

Mahigit kalahati(57%) sa mga naitala pirated content ay mga software, habang 43% naman ay mga pelikula at mga video.

Para naman sa mga counterfeit products, 82% dito ay mga produktong sapatos, damit, relo, at iba pa, habang ang 11% na nalalabi ay mga pabango at beauty products.

Bagaman tinukoy ng opisyal ang sariling kampanya ng Intellectual Property Office bilang pangunahing dahilan ng pagbaba ng mga kaso, naniniwala rin ang opisyal na maaaring resulta din ito ng mababang bilang ng mga nais magreklamo.