-- Advertisements --

Posibleng mawalan ng tiwala ang ibang bansa sa Pilipinas kapag itinuloy ng pamahalaan ang pagsasabatas ng parusang bitay sa mga kasong kriminal.

Ito ang banta ni Commission on Human Rights (CHR) spokesperson Jacqueline De Guia sa gitna ng umuugong muli na kampanya para sa death penalty.

Sa panayam ng Bombo Radyo ipinaliwanag ni De Guia ang isang international treaty na pinasok ng pamahalaan noon kontra sa bitay bilang parusa.

“(Yung) Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights. Yung main na laman ng kasunduan nito ay nagsasabi na ang death penalty is something that is not encouraged among states. Nagpapahalaga sa buhay at gusto (ng estado) ng reformative justice system.”

Taong 1987 nang unang isuspinde ng gobyerno ang death penalty sa bansa. Ibinalik lang ito noong 1993 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Muli lang ito pinawalang bisa sa ilalim ng administrasyong Arroyo kasabay ng paglagda sa nasabing kasunduan.

Ani De Guia posibleng ikasira ng estado ang paglabag sa mga kasunduang nilalagdaan nito kasama ang ibang bansa.

“Isang kasunduan ito, so dapat binding. Dapat kinikilala at nirerespeto. Sa international na usapin, tinatanong nga (tayo) paano na ba yan? Tinatalikuran natin ang mga kasunduan. Maaasahan pa rin ba ang Pilipinas sa iba pang kasunduan (gaya) ng sa ekonomiya at seguridad?”