-- Advertisements --

Kinumpirma ni Sec of Interior and local government Jonvic Remulla na naglabas na ng Interpol red notice laban sa negosyanteng si Atong Ang kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero. Ayon sa kalihim, inilabas ang notice ngayong linggo.

Sinabi ni Remulla na huling namataan si Ang sa CALABARZON dalawang linggo na ang nakalipas, ngunit nakaiwas ito sa mga awtoridad.

Gayunman, sa beripikasyon ng Interpol, hindi pa lumalabas ang pangalan ni Ang sa listahan ng mga may red notice sa kasalukuyan.

May kaugnayan ang kaso sa pagkawala ng hindi bababa sa 34 na sabungero mula Abril 2021 hanggang Enero 2022 sa iba’t ibang lugar sa Luzon, kabilang ang Laguna, Batangas, Bulacan, Rizal at Maynila. Isa sa mga biktima ang kumpirmadong dinukot mula mismo sa kanyang tahanan.

Samantala, itinuro ng whistleblower na si Julie Patidongan ang ilang pulis bilang umano’y sangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga biktima, at idinawit din sina Ang at ang aktress na si Gretchen Barretto. Nahaharap si Ang sa mga kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention, ngunit mariin nitong itinanggi ang mga paratang. (report by Bombo Jai )