-- Advertisements --
PNP1

Tiniyak ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na nagpapatuloy ang kanilang internal cleansing sa buong hanay ng pulisya.

Kasunod ito ng pagkakadawit ng Philippine National Police sa illegal na droga matapos na maaresto sa isang follow up operation si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. na natimbog mismo ng kaniyang sariling mga kasamahan sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG).

Ayon kay Gen. Azurin, sa ngayon ay hindi pa nila alam kung ano ang patutunguhan ng kanilang imbestigasyon ngunit siniguro niya na handa siyang magsibak ng mga tao mula sa PNP Drug Enforcement Group sa oras na mapatunayan na sangkot ang mga ito sa illegal na droga.

Aniya, ang pagpapaigting pa ng internal cleansing sa buong hanay ng pulisya ay layunin din na alamin ang mga circumstances ng pagkaka-assign sa nasabing yunit ng pambansang pulisya ang mga masasangkot sa nasabing illegal na aktibidad at upang malaman na rin kung ano talaga ang nangyari sa war on drugs campaign ng pamahalaan.

Samantala, sa kabilang banda naman ay iniulat ni PNP Drug Enforcement Group Director Police Brig. General Narciso Domingo na hahanapin nila ang iba pang posibleng kasabwat ni Mayo lalo na’t pumayag na aniya ang mga ito na ikanta ang iba pa niyang mga kasabwat.

Kung maaalala, kamakailan lang ay naaresto ng mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group si Mayo sa isang operasyon kung saan nasa mahigit 13 million pisong halaga ng shabu ang nakuha ng mga awtoridad mula sa kaniya.

Ang operasyong ito ay isa sa mga follow up operation na isinagawa ng pulisya matapos itong makarekober ng nasa 6.7 billion pesos na halaga ng shabu sa naunang buy-bust operation na kanilang ikinasa sa Tondo, Maynila noong Sabado.