-- Advertisements --


CAUAYAN CITY – Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station para matukoy ang mga salarin at motibo sa pagbaril at pagpatay kahapon sa internal audit manager ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO 2) sa harapan ng isang gasolinahan sa San Felipe, Lunsod ng Ilagan.

Ang biktima ay si Ginang Agnes Palce, dating branch manager ng ISELCO 2 sa Tumauini, Isabela at bagong talagang internal audit manager ng main office ISELCO 2 sa Lunsod ng Ilagan.

Siya ay residente ng Barangay 2, Tumauini, Isabela at misis ni Judge Ariel Palce, presiding judge ng Cauayan City Regional Trial Court (RTC) branch 40.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay General Manager Dave Solomon Siquian ng ISELCO 2 sinabi niya na katatapos lamang ang kanilang pagpupulong at pauwi na sila nang mabalitaan ang pamamaril kay Ginang Palce sa Barangay San Felipe.

Naitakbo pa sa isang pribadong ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay dahil sa tama ng bala ng baril sa bandang tainga.

Ayon kay Ginoong Siquian, gamit ni Ginang Palce ang service vehicle ng Audit Department ng ISELCO 2 at may kasama siyang driver at empleyado sa sasakyan nang mangyari ang pamamaril.

Batay sa pahayag ng kasama ni Ginang Palce, binaril siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo habang sila ay pauwi sa Tumauini, Isabela.

Ayon kay General Manager Siquian, masayang nagpaalam ang biktima sa kanila matapos ang kanilang pulong kahapon dahil mayroon silang field trip bukas, Biyernes ng kanyang department staff.

Hindi nila lubos maisip na mangyayari ito kay Ginang Palce dahil siya ay mabait at wala silang alam na kanyang nakaalitan.

Panawagan ng pamunuan ng ISELCO 2 sa mga mamamayang nakakita sa pamamaril na magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad para sa matukoy ang mga salarin at mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Ginang Palce.