-- Advertisements --

Nakatakdang isumite ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong linggo ang initial report hinggil sa sinasabing korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, kabilang sa report na ito ang umano’y pagkakasangkot ng mga kongresista sa mga maanomaliyang aktibidad.

Sinabi ni Belgica na nakatuon naman talaga sa DPWH ang kanilang imbestasyon pero hindi aniya sila maaring magbulag-bualan naman sa mga natuklasan nila kabilang na ang pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa implementation ng mga proyekto sa kanikanilang mga distrito.

Iginiit ni Belgica na base sa mga naging desisyon ng Korte Suprema, at maging sa Saligang Batas, ang mga mambabatas ay nariyan para lamang bumuo ng ng batas at aprubahan ang budget pero hindi dapat makisawsaw sa implementation ng budget.

Pero nilinaw ng opisyal na mayroon namang oversight powers ang mga mambabatas na ito, pero hanggang doon lamang at hindi na maaring lumagpas pa.

Nauna nang hinimok si Belgica na pangalanan ang mga mambabatas na sinasabing sangkot sa corruption activities sa DPWH.

Subalit tumanggi si Belgica na sundin ito sa pagsasabi na ang pagpapangalan sa mga involved sa naturang issue ay maaring makapag kompromiso sa imbestigasyon ng anti-corruption body.