-- Advertisements --

Bumagal sa 6.2% ang inflation rate o pangkalahatang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa Pilipinas noong Hulyo 2026.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang pangunahing dahilan ng pagbagal na ito ay bunsod ng mas mababang gastusin sa sektor ng transportasyon kung saan ang taunang pagtaas sa transport index ay bumagal sa 11.9% noong Hulyo mula sa 12.8% noong Hunyo 2026.

Nakapag-ambag din sa pagbaba ng pangkalahatang inflation ang mas mabagal na taunang pagtaas ng gastusin sa education services, restaurants at accommodation services.

Pagdating sa food inflation, nananatili ito sa 5.3% noong Hulyo 2026.

Nakatulong naman ang patuloy na pagbuti ng suplay ng bigas na nagpababa sa buwanang presyo nito, sa kabila ng mga banta ng El Niño.

Bagamat bumaba ang inflation mula sa 6.4 percent noong Hunyo, nananatili pa rin itong mataas kumpara sa target ng gobyerno na 2 hanggang 4 percent.

Ang pagbagal ay naapektuhan din ng mga naging hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagtaas ng kanilang interest rates upang kontrolin ang mataas na presyo ng bilihin.