-- Advertisements --

Proud ang buong team ng indie film na “Dagsin” matapos makapasok sa shortlist ng International Film Feature Category ng prestihiyosong Academy Awards o Oscars sa Amerika.

Agad umani ng kabi-kabilang bati at suport ang pelikula matapos ianunsyo ng Film Academy of the Philippines at Cinemalaya Foundation ang posibilidad na ma-nominate ang pelikula sa nasabing award giving body.

Pinagbibidahan ng mga batikang aktor na sina Tommy Abuel at Marita Zobel, umiikot ang pelikula sa istorya ng isang beterano ng World War 2 na nawalan ng pananalig sa Diyos.

Kabilang din sa cast ang mga aktor na sina Lotlot De Leon, Benjamin Alves at Janine Gutierrez.

Taong 2016 nang unang ipalabas ang Dagsin o “gravity” sa Cinemalaya Film Festival kung saan nasungkit ni Abuel ang Best Actor award.

Iba’t-ibang pagkilala na rin ang natanggap ng pelikula sa loob at labas ng bansa.