Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang babaeng biktima ng trafficking matapos na mag presenta ng dokumento na may pekeng pirma ng isang Justice Department Executive.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang biktima ay 30 anyos na babae na nagtangkang lumipad patungong Singapore mula sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Una nang sinabi ng biktima na siya ay empleyado ng DOJ at nagtatrabaho bilang administrative staff.
Palusot pa nito na siya ay pupunta sa singapore bilang isang delegado para sa official travel kasama si DOJ Usec. Nicholas Felix Ty.
Nagpakita umano ang biktima ng travel authority na pinirmahan umano ni USec. Ty.
Gayunpaman, napansin ng mga opisyal ang hindi pagkakapare-pareho sa pirma na nag-udyok sa kanila na mag-verify sa DOJ.
Kalaunan ay nakumpirma na ang travel authority na ipinakita ay peke, at ang biktima ay talagang kinuha upang magtrabaho sa United Arab Emirates (UAE) bilang isang entertainer.
Nagbayad umano siya ng 38,000 Dirham para sa kanyang mga pekeng dokumento, na babayaran niya sa pamamagitan ng salary deduction sa loob ng dalawang taon.
Inamin niya na binigay lang sa kanya ang kanyang mga dokumento sa isang fast food chain malapit sa airport.
Agad na itinurn-over ang biktima sa DOJ-Inter-Agency Council Against Trafficking, na nangakong sasampahan ng kaso ang mga recruiter.