Posibleng ipagpaliban muna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng bagong number coding scheme sa bansa.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, ito ay matapos na makatanggap ng ilang mungkahi ang kagawaran na ipagpaliban muna ang implementasyon nito hanggang sa opisyal na panunungkulan ng susunod na administrasyon.
Bukod dito ay sinabi rin ni Artes na may mga panukala rin na dapat aralin ng kagawaran kada tatlong buwan ang naturang number coding scheme sakaling maipatupad ito bago pa man matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunita na una nang ipinagliwanag ng MMDA chairman ang nasabing bagong number coding scheme na magbabawal sa mga sasakyan na bumaybay sa mga kalsada mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi dalawang beses kada linggo na magdedepende naman sa huling numero ng plaka ng kanilang mga sasakyan.










