-- Advertisements --

Nanindigan si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na hindi dapat maging hadlang ang kasalukuyang krisis sa enerhiya upang ipatigil ang proseso ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Ayon kay Flores, na siya ring Vice Chairperson ng House Committee on Justice, mandato ng Saligang Batas ang pagsunod sa itinakdang timeline ng impeachment, kaya’t wala silang legal na basehan upang isantabi ito.

Binigyang-diin ng mambabatas na may mga nakaraang desisyon na ang Korte Suprema laban sa Kamara dahil sa paglabag sa mga deadline ng ganitong mga kaso.

Giit ng Kongresista na hindi pwedeng i-set aside ang pagdinig dahil lang sa krisis.

Aniya, inuutos ng Konstitusyon na kailangan nating harapin ito.

Sinagot din ni Flores ang mga puna na dapat ay nakatutok lamang ang Kongreso sa krisis sa enerhiya na dulot ng tensyon sa Middle East.

Aniya, may sapat na bilang ng mga mambabatas ang Kamara para gampanan ang iba’t ibang tungkulin nang sabay-sabay.

Sa kabuuang bilang na mahigit 300 miyembro ng Kamara, tanging 50 mambabatas lamang aniya ang bahagi ng Committee on Justice na nagpupulong ng minsan sa isang linggo para sa impeachment.

Inamin naman ni Flores na mahirap ang kanyang sitwasyon bilang mambabatas mula sa Mindanao, kung saan may malakas na suporta para sa mga Duterte.

Gayunpaman, iginiit niya na ang pagiging bahagi ng prosecution panel ay hindi boluntaryo kundi isang obligasyon sa ilalim ng kanyang posisyon sa komite.

“It’s as if wala namang choice, it’s always vested in the House, the initiation of the impeachment. So, kung nandun ka, you have to be part of it. You cannot just run away from it,” pahayag ni Rep. Flores.