-- Advertisements --

Iginiit ni Panfilo Lacson na magpapatuloy ang impeachment trial laban kay VP Sara Duterte kahit pa mag-break ang sesyon ng Senado, dahil hiwalay umano ang tungkulin nito bilang impeachment court sa regular na paggawa ng batas.

Ayon kay Lacson, tuloy-tuloy ang proseso sakaling maisumite na ng Kamara ang Articles of Impeachment. Hindi raw maaantala ng “sine die adjournment” o pagtatapos ng session ang pagdinig sa kaso, kaya inaasahang magpapatuloy ang trial kahit nasa recess ang mga senador.

Binigyang-diin din niya na handa ang Senado sa aspeto ng logistics at pondo, na may nakalaang P27 milyon para sa impeachment proceedings. Sa ngayon, humigit-kumulang P500,000 pa lamang ang nagagamit, karamihan ay mula sa mga paunang paghahanda noong nakaraang taon, kabilang ang pagbili ng judicial robes para sa mga senator-judges.

Ipinaliwanag din ni Lacson na ang impeachment court ay may sariling proseso at schedule, hiwalay sa legislative calendar, kaya walang magiging hadlang ang break sa pagpapatuloy ng paglilitis.

Samantala, nakasalalay pa rin ang susunod na hakbang sa House of Representatives, na inaasahang magpapasya kung ipapasa sa plenaryo ang Articles of Impeachment, isang kritikal na hakbang bago tuluyang umusad ang kaso sa Senado. (report by Bombo Jai)