Ipinaliwanag ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na mahalagang ipagpatuloy ang impeachment proceedings sa kabila ng mga krisis na kinakaharap ng bansa, at hindi ito dapat ituring na pag-aaksaya ng oras ng mga lingkod-bayan.
Ayon kay Diokno, ang impeachment ay isang mahalagang mekanismo ng pananagutan upang matukoy ng publiko kung tapat o hindi ang isang pinuno. Giit niya, kapag ang isang lider ay hindi tapat sa kanyang tungkulin, nagiging daan ito ng korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Giit pa ng mambabatas, kinakailangang masusing tingnan ang bawat ebidensya upang mapanagot ang sinumang sangkot sa pang-aabuso at katiwalian.
Dagdag pa ni Diokno, ang proseso ng impeachment ay mahalaga para sa bayan upang mapangalagaan ang integridad ng pamahalaan at matiyak na ang kapangyarihan ay hindi nagagamit sa pagpapabagsak ng interes ng taumbayan. (Report by Bombo Jai)
















