Iminungkahi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa House prosecution panel at sa kampo ni Vice President Sara Duterte na magtalaga ng hiwalay na spokesperson na hindi kabilang sa kanilang legal teams.
Ipinaliwanag ni Escudero na kapwa nagsisilbing abogado sa impeachment trial sina House prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. at defense spokesperson Atty. Michael Poa. Aniya, maaaring mahirapan ang mga ito na paghiwalayin ang kanilang mga pahayag tungkol sa merits ng kaso at ang mga procedural observations na maaari lamang talakayin sa publiko.
Samantala, sinabi ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na kanilang pinahahalagahan ang mungkahi ng presiding officer. Gayunman, nilinaw niyang kailangan muna nilang ikonsulta kay Vice President Sara Duterte ang anumang magiging desisyon kaugnay sa posibilidad ng pagtatalaga ng hiwalay na tagapagsalita. (report by Bombo Jai)
















